Wanted persons, kulong
Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Sa kulungan ang bagsak ng dalawang wanted persons, kabilang ang isang Most Wanted Person nang maaresto ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na operasyon nitong Nobyembre 5.
Sa bayan ng Cuyo, naaresto ang 37-anyos na lalaki sa Brgy. Cabigsing bandang alas-11 ng umaga sa pinagsanib na operasyon ng Agutaya Municipal Station (MPS), katuwang ang Cuyo MPS, at Provincial Investigation and Detective Management Unit (PIDMU) ng Palawan Provincial Police Office (PalPPO).
Batay sa kautusan ng korte sa pamamagitan ng warrant of arrest na inilabas noong Hulyo 17, 2018, inaresto ang susek dahil sa paglabag sa Presidential Decree No. 1829 o Obstruction of Justice at Provincial Ordinance No. 1643 na nagbabawal sa paggamit ng compressor. May inirekomendang piyansang tag-P2,000 para sa bawat kaso.
Kinagabihan, dinakip ng Brooke’s Point MPS, katuwang ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Palawan Provincial Field Unit sa Brgy. Pangobilian, Brooke’s Point ang 35-anyos na mangingisda na kabilang din sa listahan ng Most Wanted Persons.
Sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Agosto 5, 2026, nahaharap ang suspek sa paglabag sa Section 5 (b) ng Republic Act No. 7610, na may itinakdang piyansa ang korte na P200,000.00.
Samantala, kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang himpilan ng pulisya ang dalawang naarestong suspek para sa kaukulang proseso.