‘Uminom ng tubig kontra dehydration’
Ni Albert Villamor Jr.
Dapat uminom ng tubig sa panahon ng matinding-init, para iwas dehydration. Ito ang paalala ng Provincial Health Office of Palawan.
Sa pag-iwas sa dehydration, ang kailangang mga dapat gawin: uminom ng sapat na tubig sa buong araw; huwag hintaying mauhaw bago uminom; dagdagan ang pag-inom ng tubig kapag mainit ang panahon o nagpapawis nang marami; at limitahan ang matatamis at inuming maaaring magpalala ng dehydration.
Bigyang-pansin din daw ang mga palatandaan ng dehydration tulad ng tuyong bibig, pagkahilo, panghihina, at kaunting pag-ihi.
“Sa panahon ng matinding init, mas maraming tubig ang nawawala sa katawan sa pamamagitan ng pagpapawis. Kapag hindi napalitan ang nawawalang tubig, maaaring makaranas ng dehydration, lalo na ang mga bata at matatanda,” ayon sa Provincial Health Office of Palawan.
Bahagi ang paalala ng kanilang El Nino Health Info.