Voter registration para sa 2028 Elections simula Nobyembre 10, 2026
Photo Courtesy: Repetek
Ni Ferds Cuario
Muling magbubukas ang voter registration ng Commission on Elections (COMELEC) sa buong bansa simula Nobyembre 10, 2026 hangang July 30, 2027 bilang paghahanda sa 2028 National and Local Elections.
Sa Puerto Princesa City, tatanggap ang tanggapan ng City COMELEC ng iba’t ibang aplikasyon para sa pagpaparehistro at pag-update ng voter registration records.
Matatagpuan ang tanggapan ng COMELEC Puerto Princesa sa Ground Floor ng Edward S. Hagedorn Coliseum, Peneyra Road, Barangay San Pedro, Puerto Princesa City.
Ayon sa abiso ng City COMELEC, bukas ang tanggapan mula Martes hanggang Biyernes, alas-8:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi, habang alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon naman tuwing Sabado at mga holiday.
Kabilang sa mga tatanggapin ang aplikasyon para sa first-time voter registration, transfer of registration record, reactivation ng deactivated registration, pagbabago ng pangalan at pagwawasto ng mga entry, gayundin ang transfer mula sa Foreign Service Post patungo sa lokal na tanggapan.
Pinapayuhan ang mga magpaparehistro na magdala ng valid government-issued identification card at photocopy nito bilang pangunahing requirement.
Hindi tatanggapin bilang valid identification ang Barangay ID o Barangay Certification, Community Tax Certificate o Cedula, PNP Clearance at Company ID.