Salpukan ng kotse at motor
Ni Rodolfo Idusora
BABALA: Sensitibo ang larawan at paksa. Maging disente sa pagkomento.
Sugatan ang isang estudyante nang masangkot sa banggaan ng kotse at motorsiklo sa intersection ng Caimito Road at Paduga Road sa Villa Princesa Barangay Sta. Monica, sa Lungsod ng Puerto Princesa.
Agad na rumesponde ang mga kawani ng Health Emergency Response Operation (HERO) at isinugod sa pagamutan ang biktima upang mabigyan ng paunang lunas.
Gasgas sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tinamong pinsala ng estudyante na ayon sa kanya ay mayroon pang eksaminasyon.
Rumesponde rin sa lugar ang mga tauhan ng Police Station 2 (PS2) upang magsagawa ng imbestigasyon at alamin ang buong pangyayari.
Ayon sa nagbahagi ng video na si Cristy Padul, nais niyang bigyang-babala ang mga motorista at rider na magdoble-ingat sa naturang intersection dahil ilang beses na umanong nagkaroon ng aksidente sa lugar.
Ang nakabanggang kotse ay pagmamay-ari umano ng isang kilalang broadcaster sa lungsod.
Muling pinaalalahanan ang mga drayber at rider na magbagal, maging alerto at tiyaking ligtas ang daan bago tumawid o dumaan sa mga intersection upang maiwasan ang kahalintulad na aksidente.