P1.8-M halaga ng ilegal na produktong petrolyo, nasabat
Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Nakumpiska ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Palawan at Bataraza Municipal Police Station (MPS) ang ₱1.8 milyong halaga ng ilegal na petrolyo na ikinakalakal umano sa Bataraza, Palawan.
Dalawang lalaki ang nahuli umano sa akto ng pagdi-distribute at pakikipagkalakalan ng petrolyo gamit ang isang fuel tanker na walang permit o pahintulot mula sa Department of Energy (DOE) nitong Nobyembre 9.
Sa Brgy. Sumbling, Bataraza, naaresto ang sina alyas “Vinz,”33-isang truck diver, at “Roel”, 19-anyos na truck helper. Kapwa residente ang dalawa ng Bataraza.
Sa operasyon, nasabat ang isang puting Isuzu Ilf fuel tanker na may tinatayang 3,000 litro ng gasolina, isang 10 metrong hose na may nozzle, isang totalizer, tatlong fire extinguisher, sampung lalagyang may kapasidad na tig-30 litro, at labing-isang delivery receipt.
Aabot naman sa tinatayang ₱1.8 milyon ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang ebidensya, na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek matapos isagawa ang OPLAN OLEA operation.
Samantala, kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG Palawan ang mga suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa Batas Pambansa Blg 33, na inamyendahan ng Presidential Decree No. 1865, para sa pagsasampa sa office of the Provincial Prosecutor ng Palawan.
Editor’s Note: “Blurred” ang larawan ng biktima o suspek alinsunod sa probisyon ng Data Privacy Act.