November 11, 2026

Libreng punla ng dekalidad na niyog, ipinamahagi sa Aborlan

0
FB_IMG_1794355006478

Photo Courtesy: Repetek

Ni Clea G. Cahayag

Namahagi ng coconut seedlings ang Philippine Coconut Authority (PCA)-Palawan sa Barangay Apurawan, Aborlan, Palawan noong Sabado, Nobyembre 7,2026.

Ayon kay PCA Palawan Acting Division Chief l Engr. Arlo G. Solano kabilang sa mga ipinamahagi ang dwarf varieties na Tacunan Dwarf, Catigan Dwarf at Aromatic Sweet Dwarf sa ilalim ng Massive Coconut Planting Program ng tanggapan.

Ang mga nabanggit na dwarf varieties ay inangkat pa umano ni Congressman Gil Acosta Jr. mula sa Davao upang makatulong sa implementasyon ng programa sa ikatlong distrito ng Palawan.

“Talagang nagsikap siya na makapag-angkat nitong mga magagandang cultivars ng dwarf variety kasi ang lalawigan sa ngayon pagdating doon sa paghanap natin ng magaganda at dekalidad na semilya ng niyog halos limited pa po ang cultivars na mayroon tayo dito,” ani Solano.

Libreng ipamamahagi ang mga punla kaya naman hinikayat ang mga benepisyaryo na pangalagaan ito mula sa pagtatanim hanggang sa mamunga.

Bago ang pamamahagi, nagsagawa muna ng paghahana ang mga kawani ng PCA sa Apurawan upang matiyak na maayos ang pagtataniman ng mga punla.

Binigyang-diin ni Solano ang kahalagahan ng wastong paraan ng pagtatanim ng niyog partikular ang pagsunod sa tamang sukat at lalim ng hukay upang matiyak ang maayos na paglaki ng niyog.

Inirekomenda rin niya ang paggamit ng ammonium sulfate bilang abono upang masuportahan ang paglaki ng mga punla.

“Yun lang ang hinihingi namin, alagaan natin ito ng mabuti kasi ang goal natin dito ay for seedlings purposes kasi kailangan maparami natin ‘yung lahi ng niyog na ‘to dito sa Disctrict 3 hanggang sa buong lalawigan ng Palawan,” pahayag pa ng opisyal.

Mayroong dalawang variety ng niyog ang Dwarf at Tall.
Ang Dwarf ay inaasahang mamumulaklak sa loob ng tatlong (3) taon habang ang Tall variety ay apat hanggang limang (4-5) taon ay magsisimula na ring mamunga.

Samantala, sinabi ni Solano na nakatakdang isama sa programa sa susunod na taon ang pamamahagi ng abono upang higit na masuportahan ang paglaki ng mga naitanim na punla hanggang sa mamunga ang mga ito.

Patuloy na isinasagawa ang Massive Coconut Planting Program sa buong lalawigan ng Palawan bilang bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na makapagtanim ng 100 milyong puno ng niyog sa buong bansa pagsapit ng 2028.

Kaugnay nito, hinihikayat ng PCA- Palawan ang mga may-ari ng mga malalawak na lupain na makibahagi sa programa. Makipag-ugnayan lamang sa kanilang tanggapan upang maisama sa mga susunod na implementasyon ng programa.

“Kaya dito sa atin. Sikapin natin pagtulung-tulungan natin na malaki ang ating mai-contribute ng lalawigan ng Palawan para sa darating na panahon mas gaganda ang industriya ng niyog dito sa ating lalawigan,” panawagan pa nito.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *