Sumabit sa nakalaylay na kable
Photo Courtesy: Manglino Nadera
Ni Rodolfo Idusora
Naaberya pa ang biyahe ng isang panel truck nang sumabit sa nakalaylay na kable sa Zone 10, Barangay Irawan, Puerto Princesa City, Sabado ng tanghali, Oktubre 10, na nagdulot ng abala sa lugar.
Ayon sa mga residente, madalas umanong sumabit ang malalaking sasakyan sa mabababang kable sa kanilang lugar, dahilan upang muling mabigyang-pansin ang problema sa pagkakabit ng mga linya ng telekomunikasyon.
Nangangamba ang mga residente na maaaring maulit ang ganitong insidente kung hindi maaayos ang mga kable na nakalaylay sa mga bahaging dinaraanan ng malalaking sasakyan.
Sa Puerto Princesa City, umiiral ang City Ordinance No. 1025 at Resolution No. 331-2025, na may kaugnayan sa maayos at ligtas na pag-install, rehabilitasyon at maintenance ng mga kable ng telecommunications companies, power providers at iba pang utility service providers.
Inaasahan namang matutugunan ng mga kinauukulang kompanya at awtoridad ang problema para maiwasan ang mga nasabing insidente at matiyak ang kaligtasan ng mga motorista at iba pang gumagamit ng kalsada.