DPWH worker, na-hit-and-run
Photos courtesy: Lotzkie moto vlog
Ni Rodolfo Idusora
Sugatan ang isang personnel ng Department of Public Works and Highways (DPWH) nang banggain ng isang humaharurot na sasakyan habang nagpipintura ng kalsada sa Sta. Lucia National Highway kahapon Oktubre 9.
Agaran umanong tumakas ang drayber at saka iniwan ang biktima nang hindi man lang tinulungan.
Mga dumaraang motorista ang rumesponde at tumawag ng ambulansya upang mabigyan ng paunang lunas at maisugod sa ospital ang nasugatang manggagawa.
Sa ngayon, hindi pa batid ang pagkakakilanlan ng drayber at detalye ng sasakyang sangkot sa insidente. Inaasahang makatutulong ang mga saksi at CCTV footage upang matukoy ang responsable sa insidente.
Sa iba pang balita, tumagilid sa gitna ng kalsada ang isang traysikel makaraang mag-self crash sa National highway ng Barangay Irawan sa Lungsod ng Puerto Princesa bandang 7:21 ng umaga nitong Oktubre 10.
Basag at natanggal ang windshield ng tricycle dahil sa impact ng pagkakatagilid nito, ayon sa Facebook post ni #RepetekSpotter Lotzkie Moto vlog.
Nadamay rin ang isang motorista sa insidente ngunit wala namang naitalang nasaktan ng malubha sa pangyayari.
Agad namang tumungo ang mga kawani ng Police Station 2 sa lugar para magsagawa ng imbestigasyon.