Mga substandard na produkto, nakumpiska
Photo courtesy: ABS-CBN News
Ni Clea Faye G. Cahayag
Inisyuhan ng notice of violation ng Department of Trade and Industry (DTI)- Palawan ang walong (8) establisyimento sa lalawigan nang makitaan ng mga substandard na produkto.
Ayon kay Provincial Director Hazel Salvador ng DTI Palawan, mahigit 300 iba’t ibang produkto na nagkakahalaga ng ₱129,705 ang kanilang nakumpiska.
“Kapag may mga nakita kaming produkto na lumalabag sa batas for example walang PS mark, walang ICC mark, walang dokumento, hindi legit ang supplier immediately kino-confiscate po natin,” ani Salvador.
Kabilang sa mga produktong nakitaan ng paglabag ang LPG hose at regulator, rice cooker, butane gas stove, electric stove, at extension cord.
Ang mga nakumpiskang produkto ay selyado upang matiyak na hindi na maibebenta ang mga ito sa merkado.
Ani Salvador, mas mababa ang halaga ng mga nakumpiskang produkto ngayong taon kung ikukumpara sa mga nakalipas na taon na umaabot hanggang ₱300,000.
Isa sa mga nakikitang dahilan nito ang pagtaas ng kaalaman ng mga establisyimento at mamimili tungkol sa mga substandard na produkto gayundin ang maagap na pag-uulat ng mga paglabag sa DTI.
“‘Yun siguro sa aming analysis ang mga factor kaya nga sabi namin mas maganda na alam din natin.
Lagi kong sinasabi na pag kayo may nakita po kayo na lumalabag sa batas, kuhanan niyo ng picture or may evidence dapat tapos report niyo po kay DTI,” paalala ni Salvador.
Samantala, ipinaliwanag ni Consumer Advocacy Officer Welson Paz ngayong taon lamang isinama sa listahan ng “mandatory products” ang mga LPG hose, regulator at butane gas stove.
Muling pinaalalahanan ng DTI-Palawan ang mga negosyante na tiyaking may Philippine Standard (PS) mark o Import Commodity Clearance (ICC) mark ang mga produkto bago ibenta sa merkado upang maiwasan ang mga paglabag sa batas.
“Tina-target natin sa mga establishments na iparating sa kanila na ano na po ba ang latest na kailangan mayroong PS and ICC na mga produkto kaya pag every monitoring binibigyan natin sila ng listahan na kailangan ang mga produkto na kainilang ititinda ay pasok doon sa listahan. Hanapan po nila ng PICC or yung markings,” ayon pa kay Paz.