Umano’y illegal recruitment, bistado sa airport
Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Nabisto ng mga awtoridad ang umano’y ilegal na recruitment ng apat na menor de edad mula sa bayan ng Rizal, Palawan, na planong ilipad patungong Maynila.
Matagumpay na nailigtas ng mga tauhan ng Rizal Municipal Police Station (MPS) ang mga naturang menor de edad sa Puerto Princesa International Airport (PPIA) matapos makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen bandang alas-9:30 ng umaga nitong Oktubre 10.
Bago pa man makasakay ang mga nasabing kabataan sa eroplano patungong Maynila, agad itong napigilan ng pulisya sa pangunguna ni PLTCOL Grace Vic. Gamboa, hepe ng Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Palawan Provincial Police Office (PalPPO), kasama ang Women and Children Protection Desk (WCPD) at Rizal MPS.
Dinala sila sa WCPD ng PalPPO para sa tamang disposisyon at ini-refer kalaunan sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) upang mabigyan ng kaukulang suporta at proteksyon.
Tinutugis ngayon ng mga awtoridad ang umano’y recruiter na nakabase sa Metro Manila. Patuloy ang imbestigasyon para sa buong detalye ng insidente na posibleng lumabag sa Republic Act 9208 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act at Republic Act 8042 o Migrant Workers and verseas Filipinos Act.