Maging matalino sa pamimili
Photo Courtesy: Repetek
Ni Clea Faye G. Cahayag
Muling nagpaalala ang Department of Trade and Industry (DTI) Palawan sa mga “online buyer” na maging mapanuri at responsable bago bumili ng alinmang produkto online.
Pinayuhan ni DTI Palawan Provincial Director Hazel Salvador ang mga mamimili na magsaliksik muna tungkol sa produkto at seller, suriin ang mga reviews ng mga naunang buyer at tiyaking lehitimo ang negosyong kanilang pagbibilhan.
“As consumer kailangan maging matalino tayo. Huwag tayo bili nang bili na hindi mo man lang pinag-aralan kung ano ang bibilhin natin, hindi man lang natin ni-research sino ang nagbebenta kasi [kunwari] nagkaroon nga ng problema, paano mo hahabulin kasi hindi mo alam kung legit ba ‘yung kanyang business,” paalala ni Salvador sa publiko.
Binigyang-diin niya na dapat may pangalan at address ang manufacturer upang madali itong matukoy o makontak sakaling magkaroon ng problema sa biniling produkto.
Noong nakaraang taon, nakatanggap ng 80 consumer complaints ang DTI-Palawan.
Ayon sa tanggapan, mas mabilis na ring natutugunan ang mga problemang nararanasan sa mga online transaction dahil nagkaroon na ng mga consumer complaints desk ang Shopee at Lazada na direktang tutugon sa mga reklamo ng mga mamimili, ito ay bunga ng naging pagpupulong ng DTI sa naturang mga online platforms.
“We are very thankful na ‘yung ating mga online platforms ay very responsive na sila kapag may reklamo tayo based po ito sa experience namin dito sa Palawan.
Halimbawa ‘di nila alam kung paano i-navigate ang kanilang website, ‘di nila alam kung ano ang next steps, nagsasabi sila sa amin at ina-assist namin sila. Mayroon kaming direct hotline with Shopee mabilis po ang resolution ng mga complaints,” pahayag pa ng opisyal.
Maliban dito sa tulong ng Department of Information and Communications Technology (DICT), National Bureau of Investigation (NBI), at Philippine National Police (PNP) nabawasan din ang mga “scammers”.
Sa huli, hinimok ng DTI ang publiko na alamin ang kanilang mga karapatan at tiyaking lehitimo ang kanilang binibilhan upang maiwasan ang panloloko at iba pang suliranin sa online shopping.