October 20, 2026

Palay Festival 2026 sa Narra, P18-milyon ang inilaang pondo

0
FB_IMG_1792504939780

Photo Courtesy: Repetek

Ni Ferds Cuario

Tinatayang aabot sa ₱18 milyon ang kabuuang gastos sa pagdiriwang ng 23rd Palay Festival 2026 sa bayan ng Narra, Palawan, na tatagal mula October 16 hanggang 26.

Ito ang impormasyong ibinahagi ni Sherwin Corpus, Narra Tourism Officer at Festival Overall Coordinator, sa Palay Festival Press Conference na ginanap noong October 16 sa conference room ng Mayor’s Office sa Narra.

Ayon naman kay Acting Mayor Edmond “Jojo” Gastanes, ₱10 milyon ang inilaan ng lokal na pamahalaan para sa festival, kabilang ang ₱2-milyon na supplemental budget.

Aminado si Gastanes na hindi kayang tustusan ng pondo ng munisipyo ang lahat ng gastusin sa pagdiriwang. Dahil dito, malaking tulong umano ang suporta ng private sector, mga mining company, gayundin ng mga lokal na lider, kabilang sina Governor Amy Alvarez at Palawan 1st District Congressman Jose Chavez Alvarez.

FESTIVAL PARA SA MAGSASAKA, TURISMO, IPs, SPORTS AT EKONOMIYA

Itinuturing na pinakamalaking pagdiriwang sa Narra ang Palay Festival, na layuning makatulong sa mga magsasaka at mangingisda, itaguyod ang kultura at turismo, palakasin ang sports at tribal Olympics, at pasiglahin ang kalakalan at industriya sa bayan.

Kabilang sa mga inaabangang aktibidad ang float parade, Mutya ng Narra 2026, at mga pagtatanghal ng mga artistang sina SexBomb Jopay, Viva Hot Babes Zara Lopez at Simon Javier.

Tampok din ang “Kutsikel,” isang paligsahan sa pagpapaganda at pagdidisenyo ng mga tricycle gamit ang mga piyesa at disenyong hango sa mga sasakyan. Ayon sa mga organizer, kinikilala ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang orihinal na konsepto ng paligsahan.

Magkakaroon din ng “Gandang Nanay,” isang patimpalak para sa mga ina, bukod sa bangkarera, kayak racing, cooperative summit, business and investment forum, farming exposition, at iba’t ibang sports activities at competition.

Samantala, naglaan din ng pondo para sa mga kalahok na barangay sa pamamagitan ng consolation prizes.

Inaasahang magsisilbing pagkakataon ang Palay Festival upang maipakita ang mga produkto, talento at kultura ng Narra, gayundin upang makahikayat ng mga bisita at mamuhunan sa bayan.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *