Motorsiklo, nagsalpukan; 3 estudyante, patay
Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Natapos ang buhay ng tatlong estudyante, habang isa ang sugatan nang magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa Brgy. Sumbiling, Bataraza, madaling araw nitong Oktubre 18.
Sa imbestigasyon ng Bataraza Municipal Police Station (MPS), bumangga ang isang Rusi 125 na minamaneho ni alyas “Andoy”, 18-anyos, kasama ang isang backrider, kapwa mula Brgy. Buliluyan, at isang Rusi Macho 150 na minamaneho ni alyas “Dodoy”, menor de edad, mula Brgy. Sumbiling, na may dalawang backrider.
Napag-alam ng pulisya na parehong mabilis ang takbo ng mga motorsiklo at walang suot na helmet ang mga sakay bandang alas-dos ng madaling araw. Bago pa man dumating ang mga pulis, kinuha na ng mga pamilya ang mga bangkay ng mga biktima mula sa lugar n aksidente upang agad na mailibing alinsunod sa tradisyong Muslim.
Samantala, nakaligtas ang isa sa mga sakay ng motorsiklong Rusi Macho ngunit sugatan. Agad siyang isinugod sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office sa RTN Hospital para sa gamutan.