‘Kailangan pang magsumite ng dokumento para sa benepisyo’
Ni Albert Villamor Jr.
Mahigit sa kalahati pa ng mga naiwang pamilya ng nasawi sa MV June Aster ang hindi pa kompletong nakapagbibigay ng mga kinakailangang dokumentong para makuha ang mga labi ng kanilang mahal sa buhay, at makuha ang insurance benefits at compensation na ₱250,000.
“73 pa po iyong nag-aantay ng dokumento, ang nakapag-settle pa lang po (ay) 47–nakapag-submit. So +, hindi pa po nakakapag-submit iyong 73,” ayon kay Atty. Maximo I. Bañares, Jr. Director II -MARINA Region IV.
Kakailanganing magsumite ng mga naiwang pamilya ng mga nasawi ng ‘Death Certificate’ at ‘Proof of Affiliation’, pero hindi ito dapat i-submit sa Maritime Industry Authority (MARINA).
“Hindi po sa MARINA, pinag-usapan nga namin iyan during the dialogue with the big teams. Sabi ko huwag na sa MARINA kasi nagkakaroon pa ng layering. Direktang i-submit n’yo iyan either sa Atienza Lines Office nila or sa insurance company,” ani rin ni Atty. Bañares.
Ang Death Certificate ay ibinibigay ng mga Municipal Health Office. Pero ang halimbawa ng ‘Proof of Affiliation’ ay anumang dokumento na magpapatunay ng relasyon ng claimant sa nasawi katulad ng ID o marriage certificate.
Sa palagay ni Atty. Bañares, hindi na kailangang magsumite ang mga survivors ng aksidente dahil nabigyan na sila ng kinauukulang tulong.
“Moot and academic,” sabi niya.
Ang insurer ng Atienza Interisland Ferries Inc. ay ‘Western Guaranty Corp’ na hina-handle ng Interclaim Adjuster Inc. pagdating sa insurance adjustment.
May mga panawagan na ring taasan ang ₱250,000 na ibibigay sa mga pamilya ng mga nasawi sa aksidente.