Most wanted sa Puerto Princesa, tiklo
Photo Courtesy: PPCPO
Ni Rodolfo Idusora
Dinakma ng kapulisan ang Top 1 most wanted rerson sa lungsod ng Puerto Princesa mula sa ikinasang joint intelligence-driven operation sa Nadayao Road, Barangay San Pedro, nitong Nobyembre 4.
Kinilala sa inisyal na detalye ang suspek na isang 20-anyos na construction worker at residente ng Barangay Sicsican.
Ipinag-utos ni Judge Leah Delos Reyes Baguyo ng Regional Trial Court Branch 48 sa Puerto Princesa City ang mabilisang pagkakahuli sa suspek.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016, sa ilalim ng Criminal Case No. 45549, na may inirekomendang piyansang P300,000.
Dinala ang suspek sa kustodiya ng Police Station 1 para sa dokumentasyon at kaukulang proseso bago ang pagharap nito sa korte.
Ayon kay City Director PCOL Vincent C. Templo, patuloy nilang paiigtingin ang intelligence gathering at operasyon upang matunton at maaresto ang mga indibidwal na may kinakaharap na kaso at nakabinbing warrant of arrest.
Tiniyak din ng city police na isasagawa ang mga operasyon alinsunod sa batas at may paggalang sa karapatang pantao.