Balintong, ibinalik sa natural na tirahan
Photo Courtesy: MENRO Roxas
Ni Samuel Macmac
Maayos at ligtas na naibalik sa natural nitong tirahan ang babaeng juvenile Palawan Pangolin (Manis culionensis) nang i-turn over ng residente.
Lokal na kilala ang Palawan Pangolin bilang Balintong. May haba itong 79.5 sentimetro at tinatayang may bigat na dalawang kilo.
Matapos boluntaryong isinuko sa himpilan ng radyo ni Wilson Juanilo, residente ng Brgy. Malcampo, Roxas, Palawan, muling nakawala ang pangolin at natagpuan kalaunan kaya’t agad na itong iniulat sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO).
Kaagad na rumesponde ang wildlife rescuers at isinailalim sa pagsusuri ang hayop. Sa isinagawang assesment, napag-alamang nasa maayos na kondisyon ang Balintong at maayos na naibalik sa kagubatan.
Pinangunahan ng mga kawani ng LGU-Roxas ang release operation sa pamamagitan ng MENRO katuwang ang Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS).
Kinikilala ang Balintong bilang flagship species ng bayan ng Roxas sa ilalim ng Municipal Ordinance No. 780, s. 2020. Batay naman sa International Union for Conservation of Nature (IUCN), kabilang ang nasabing hayop bilang Critically Endangered species.
Samantala, muling nanawagan ang mga awtoridad sa publiko na magsurrender at iulat ang mga ligaw na hayop upang matiyak ang kanilang kaligtasan at mapanatili ang konserbasyon ng mga nanganganib na species sa lalawigan ng Palawan.