Music Initiative sa Palawan
Photo Courtesy: Repetek
Ni Albert Villamor Jr.
Nitong nakalipas na Oktubre 16–17, inilunsad ang Palawan Music Initiative sa The Residence (former Old Governor’s Residence) sa Puerto Princesa City, Palawan.
Pinangunahan ito ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at Floppy Hous Events Management Service para sa paglinang ng musika, industriya ng musika, talento, kultura, at turismo ng mga Palaweño, na may temang “Music, Youth, Tourism, and Culture”.
Kabuuang 400 na mga lokal na banda, musikero, at music enthusiasts ang lumahok dito.
Noong Oktubre 16, isinagawa ang ‘Single-Stage Marathon’ kung saan nagpamalas ng husay ang mga lokal na banda at musikero.
Oktubre 17 naman nang magkaroon ng ‘Music Clinic’ kung saan natuto ang mga kalahok sa pagtugtog ng gitara, bass at drums, pagsusulat ng kanta (songwriting), at iba pang kasanayan sa aspekto ng musika.
Kinatawan ni Gob. Amy Roa Alvarez si Executive Assistant Cedric James B. Pulga, program manager ng Culture, Arts and Heritage Program ng Pamahalaang Panlalawigan.
Bahagi ang programa ng PALAWAN + PLUS Development Agenda ng Pamahalaang Panlalawigan para sa kultura, sining, at talento ng mga Palaweño.
“The Palawan Music Initiative is more than a music event. It’s a growing movement to support local artists, develop young talent, and bring Palawan’s music community together,” ayon naman sa Palawan Music Initiative.