November 24, 2026
FB_IMG_1795525863907

Photo Courtesy: PalPPO

Ni Samuel Macmac

BABALA: Sensitibong paksa at larawan. Maging disente sa pagkomento.

Natapos ang buhay ng 40-anyos na binata sa kahabaan ng National Highway sa Brgy. Calategas, Narra, Palawan, nang sumalpok ang kanyang minamanehong motorsiklo sa isang pampasaherong van.

Kinilala ng mga awtoridad ang nasawing rider na si Emilio Recelestino Reyes na residente ng Brgy. Princess Urduja, Narra. Minamaneho niya ang isang itim na Honda Click motorcycle nang maganap ang insidente.

Nakabanggaan ng naturang motorsiklo ang isang itim na Nissan Urvan Premium van na may sakay na 11 na pasahero. Minamaneho ang nasabing van ni alyas “Noy”, 35-anyos, may asawa, PUV driver at residente ng Brgy. Rio Tuba, Bataraza.

Naganap ang insidente bandang alas-5:55 ng hapon nitong Nobyembre 23, taong kasalukyan. Sa pahayag ng mga pasaherong saksi, kapwa bumibiyahe ang dalawang sasakyan sa magkasalungat na direksyon, kung saan patungo ang van sa Brgy. Rio Tuba mula lungsod ng Puerto Princesa habang mula naman sa kabilang direksyon ang motorsiklo.

Pagdating sa National Highway, umano’y lumihis ang motorsiklo sa kabilang linya at nasakop ang lane ng van. Bumangga ang motorsiklo sa kaliwang unahang bahagi ng van.

Matinding pinsala sa ulo at katawan ang tinamo ng rider dahil sa pakas ng pagkakabangga. Agad siyang isinugod sa mga tauhan ng Narra Emergency Response Unit (NERU) sa Narra Municipal Hospital para sa agarang lunas. Gayunman, idineklara siyang dead on arrival ng sumuring doktor bandang alas-7:09 ng gabi.
Hindi naman suhatan ang driver ng van at ang kanyang 11 pasahero.

Samantala, parehong nagtamo ng hindi pa matukoy na pinsala ang dalawang sasakyan. Dinala ang mga ito sa Narra Municipal Police Station (MPS) para sa safekeeping at kaukulang disposisyon.

PAALALA: Mag-ingat sa pagmamaneho.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *