November 17, 2026
FB_IMG_1794839141561

Photo courtesy: PS3/Lucky Padilla

Ni Rodolfo Idusora

Babala: Sensitibong balita at larawan. Maging disente sa pagkomento.

Binawian ng buhay ang motorcycle rider nang madaganan ng natumbang container van na karga ng isang Isuzu Giga truck sa South National Highway, Purok Zigzag 2, Barangay Luzviminda, Puerto Princesa City, nitong umaga ng Lunes, Nobyembre 16.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Police Station 3, binabagtas ng motorsiklo ang kalsada mula Narra patungong Puerto Princesa City habang kasalubong nito ang truck na may kargang container van patungo naman sa katimugang bahagi ng
Palawan.

Pagdating sa isang kurbadang bahagi ng highway, umano’y napunta sa linya ng motorsiklo ang truck. Nang tangkain ng drayber na ibalik sa tamang linya ang sasakyan, biglang tumagilid at bumagsak ang container van na tumabon sa motorsiklo at rider nito.

Idineklarang patay ng attending physician ang motorcycle rider sa mismong pinangyarihan ng aksidente.

Hindi naman nasaktan ang truck driver habang nagtamo ng pinsala ang helper nito at na dinala sa pagamutan para malapatan ng lunas.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Police Station 3 at nakipag-ugnayan sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP) at City Engineering Office para sa rescue, extrication at recovery operations, gayundin sa pagtanggal sa natumbang sasakyan.

Dinala sa Police Station 3 ang truck driver para sa karagdagang imbestigasyon.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang buong pangyayari at pananagutan sa likod ng aksidente.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *