₱43-m bookings at business opportunities para sa Palawan
Ni Clea Faye G. Cahayag
Naghatid ng mas mataas na business opportunities ang tatlong araw na Palawan World’s Best Island Travel & Trade Expo (WBI) 2026 na ginanap sa Cebu noong ika- 23 ng Oktubre hanggang 25.
Ayon sa Palawan Tourism Council (PTC), umabot sa ₱43 milyon ang confirmed bookings at potential business opportunities, higit na mataas sa itinakdang target na ₱25 milyon.
Ito ay nagsilbing daan upang mapalakas ang ugnayan sa iba’t ibang tourism stakeholders, makabuo ng mga bagong business partnership at lalong maipakilala ang ganda ng Palawan.
“This achievement highlights the power of tourism partnerships, meaningful business-to-business connections, and strategic collaboration in opening new doors for Palawan’s tourism industry,” batay sa pahayag ng PTC.
Patuloy naman ang pagsisikap na makabuo ng matatag na ugnayan ang Palawan at Cebu upang magkatuwang na itaguyod ang industriya ng turismo.
Sa naunang panayam kay Gobernadora Amy Alvarez, naging maayos ang daloy ng aktibidad kung saan nakapagtala ng mga potential tourism partnership at sales opportunities.
Layunin ng expo na mapalakas ang ugnayan ng Palawan sa Cebu at Bohol upang mabuksan ang mas maraming oportunidad sa sektor ng turismo at negosyo.
“Everything went smoothly. Ang daming sales na nakuha nila and now we are trying to parang establish our relationship with Cebu, Bohol and Palawan.
If we can move through, may connectivity tayo through these three provinces. Open sa Palawan ang opportunities and potential in all three provinces in all our establishments; MSMEs, travel and tours all of that,” ayon sa Gobernadora.
Samantala, sinabi ni PTC President Rey Felix Rafols, sa ikalawang araw pa lamang ng expo naabot at nahigitan na ang naitalang ₱12 milyon na direct sales noong nakaraang taon.
“Nalampasan na natin ‘yung quota natin last year, umabot tayo ng mga ₱11 million ngayon from yesterday dahil sa B2B natin nag ₱12 million na kaagad tayo, so second day pa lang, over na tayo from last year. So good news na good news talaga ‘yun,” ani Rafols.
Samantala, labing-isang (11) munisipyo sa Palawan ang lumahok sa expo kabilang ang San Vicente, Coron, Araceli, Busuanga, Culion, Linapacan, Sofronio Española, Cuyo, Roxas, Brooke’s Point at Balabac upang ipakilala ang kani-kanilang natatanging destinasyon at produkto.