Photo:
Repetek News
Ni Ferds Cuario
Malaking karangalan ang naiuwi ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa matapos kilalanin ang City Agriculture Office bilang Outstanding Kadiwa ng Pangulo LGU Implementer sa Gawad Saka 2026.
Kasabay ng prestihiyosong pagkilala ay ang ₱450,000 cash incentive na ipinagkaloob sa City Government of Puerto Princesa bilang pagkilala sa matagumpay na pagpapatupad ng programang Kadiwa ng Pangulo sa lungsod.
Patunay ang naturang parangal sa mahusay na pamumuno, masigasig na pagpapatupad ng mga programa, at walang humpay na pagsisikap ng City Agriculture Office sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura at pagbibigay ng mas maayos na serbisyo sa mga magsasaka at mamimili.
Ayon sa pamahalaang lungsod, gagamitin ang natanggap na pondo upang higit pang mapalawak ang mga programang pang-agrikultura at mga proyektong magbibigay ng dagdag na suporta sa mga magsasaka at makatutulong sa pagpapatatag ng suplay ng abot-kayang pagkain sa Puerto Princesa.
Ang pagkilalang ito ay isa pang patunay na patuloy na umaani ng pambansang pagkilala ang Puerto Princesa dahil sa mga programang naglalayong palakasin ang produksyon ng pagkain, suportahan ang mga lokal na magsasaka, at isulong ang seguridad sa pagkain sa lungsod.