November 23, 2026
FB_IMG_1795439547616

Photo Courtesy: Dapat Isa Lang

Ni Ferds Cuario

Inilunsad kamakailan sa Lalawigan ng Palawan ang Dapat Isa Lang (D1L) movement, isang People’s Initiative para sa tunay na anti-political dynasty law.

Ayon kay Atty. Carlo Africa, tagapagsalita ng Dapat Isa lang movement, hindi na kailangang ipasa ang batas sa Kongreso o pirmahan ng Pangulo. “Hindi sa Congress ipapasa. Comelec will verify. Magpapatawag for referendum,” aniya.

Sabi niya, libu-libo na ang nakalap na pirma sa buong bansa. Sa online platform na d1l.org, kailangan lang ng pangalan, petsa ng kapanganakan, at address para makapirma. Walang expiration ang pirma. Target nila na sa unang quarter ng 2027 ay sapat na ang makalap.

Sa Palawan, target ang 3 hanggang 5 porsiyento ng registered voters base sa 2025 voters’ listing upang magkaroon ng buffer.

Kasabay nito, nakikipag-ugnayan na sila sa Philippine Statistics Authority (PSA) upang maayos na maipatupad ang pagbabawal hanggang ikaapat na degree of consanguinity.

Sinabi naman ni Arvee Salazar ng Save Palawan Movement, na ugat ng pagkasira ng kapaligiran sa Palawan ang political dynasty. Maraming pamilyang politiko ang may interes sa malakihang pagmimina. Ayon sa datos ng Pulitika dashboard, may hindi bababa sa 10 pamilya sa lalawigan ang may political dynasty, at may pamilyang hanggang siyam na opisyal ang nakaupo nang sabay-sabay.

Idiniin rin ni Renier Albarracin ng NATRIPAL (Nagkakaisang Tribo ng Palawan) na patuloy ang paglaban ng mga katutubo sa malakihang minahan dahil pinoprotektahan nito ang kanilang ancestral domain.

“Kailangan nating baklasin ang sistema ng mga dinastiya para matiyak na ang interes ng mga komunidad ay tunay na nabibigyan ng pansin,” ani Albarracin.

Ayon sa grupo, ang kasalukuyang panukala sa Kongreso ay pro-dynasty. Kaya ang People’s Initiative ang tanging pag-asa para magkaroon ng tunay na batas na magbabawal sa political dynasty.

Ang susing probisyon ng panukalang batas: Isang puwesto lang ang maaaring hawakan ng isang pamilya sa pambansang antas; Isang puwesto lang sa lokal na antas bawat lalawigan; Bawal ang magkakamag-anak hanggang ikaapat na degree; Walang succession at may cooling-off period.

Sinabi rin ni Atty. Africa na si dating Supreme Court Justice Antonio Carpio ang gumawa ng proseso para sa online signature upang matiyak na legal ito.

Maaaring pumirma online sa www.d1l.org. Para sa karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa Dapat Isa Lang sa dapat@isalang.org o sa numero (02) 8426-5968.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *