Kumita ang Palawan
Ni Clea G. Cahayag
Umabot sa ₱43 milyon ang confirmed bookings at potential business opportunities ang lalawigan ng Palawan, na higit na mas mataas sa itinakdang target na ₱25 milyon, ayon sa Palawan Tourism Council (PTC).
Mataas na business opportunities ang nakamit ng lalawigan sa kamakailang Palawan World’s Best Island Travel & Trade Expo (WBI) 2026 sa Cebu.
Nagsilbing daan ang tatlong araw na kaganapan upang mapalakas ang ugnayan sa iba’t ibang tourism stakeholders sa bansa, makabuo ng bagong business partnerships, at lalong maipakilala ang ganda ng Palawan.
“This achievement highlights the power of tourism partnerships, meaningful business-to-business connections, and strategic collaboration in opening new doors for Palawan’s tourism industry,” pahayag ng Palawan Tourism Council.
Patuloy naman ang pagsisikap na makabuo ng matatag na ugnayan ang Palawan at Cebu upang magkatuwang na itaguyod ang industriya ng turismo.
Sa naunang panayam kay Gobernadora Amy Alvarez, naging maayos ang daloy ng aktibidad kung saan nakapagtala ng mga potential tourism partnership at sales opportunities.
Layunin ng expo na mapalakas ang ugnayan ng Palawan sa Cebu at Bohol upang mabuksan ang mas maraming oportunidad sa sektor ng turismo at negosyo.
“Everything went smoothly. Ang daming sales na nakuha nila and now we are trying to parang establish our relationship with Cebu, Bohol and Palawan.
If we can move through, may connectivity tayo through these three provinces. Open sa Palawan ang opportunities and potential in all three provinces in all our establishments; MSMEs, travel and tours all of that,” ayon sa Gobernadora.
Ayon naman kay PTC President Rey Felix Rafols, sa ikalawang araw pa lamang ng expo, naabot at nahigitan na ang naitalang ₱12 milyon na direct sales noong nakaraang taon.
“Nalampasan na natin ‘yung quota natin last year, umabot tayo ng mga ₱11 million ngayon from yesterday dahil sa B2B natin nag ₱12 million na kaagad tayo so second day palang over na tayo from last year. So good news na good news talaga ‘yun,” ani Rafols.
Samantala, labing-isang (11) munisipyo sa Palawan ang lumahok sa expo kabilang ang San Vicente, Coron, Araceli, Busuanga, Culion, Linapacan, Sofronio Española, Cuyo , Roxas, Brooke’s Point at Balabac upang ipakilala ang kani-kanilang natatanging destinasyon at produkto.