November 11, 2026
FB_IMG_1794355289584

Photo Courtesy: PS2

Ni Rodolfo Idusora

Naaresto ng pulisya ang Rank 5 Regional Most Wanted Person matapos isilbi ang warrant of arrest laban dito kaugnay ng tatlong kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o Republic Act 9165.

Isinagawa ang pag-aresto ng mga tauhan ng Police Station 2 ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO), katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), dakong alas-4:30 ng hapon nitong Nobyembre 9, 2026, sa Police Station 2, Barangay Irawan, Puerto Princesa City.

Batay sa ulat, inilabas ng Regional Trial Court Branch 47, Fourth Judicial Region, Puerto Princesa City, ang warrant of arrest noong Nobyembre 6, 2026 laban sa suspek.

Nahaharap ang akusado sa mga kasong Illegal Sale of Dangerous Drugs sa ilalim ng Section 5, Illegal Possession of Dangerous Drugs sa Section 11, at Possession of Equipment, Instrument, Apparatus and Other Paraphernalia for Dangerous Drugs sa Section 12 ng RA 9165.

Walang inirekomendang piyansa para sa kasong illegal sale of dangerous drugs, habang may inirekomendang piyansa naman sa dalawa pang kaso.

Matapos ang pag-aresto, dinala ang suspek sa kustodiya ng Police Station 2 para sa dokumentasyon at kaukulang proseso bago iharap sa korte.

Ayon kay PCPT Victor D. Lovido, Officer-in-Charge ng PS2, patuloy nilang tutugisin ang mga wanted person upang maipatupad ang batas at mapanagot ang mga nahaharap sa kasong kriminal.

Dagdag pa niya, isasagawa ang mga operasyon alinsunod sa batas at sa paggalang sa karapatan ng bawat indibidwal.

Patuloy namang pinaiigting ng PPCPO-PS2 ang operasyon laban sa mga wanted person sa pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensya ng pamahalaan.

Editor’s Note: “Blurred” ang larawan ng biktima o suspek alinsunod sa probisyon ng Data Privacy Act.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *