Durugista, dinampot
Photo Courtesy: PS2
Ni Rodolfo Idusora
Naaresto ng pulisya ang rank 5 regional most wanted person nang isilbi ang warrant of arrest kaugnay ng tatlong kaso ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, o Republic Act 9165.
Ikinasa ang pag-aresto sa suspek ng mga tauhan ng Police Station 2 ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO), katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ipinag-utos ng Regional Trial Court Branch 47, Fourth Judicial Region, Puerto Princesa City, ang dagliang pagkakahuli ng suspek noong Nobyembre 6, 2026.
Nahaharap ang akusado sa mga kasong Illegal Sale of Dangerous Drugs sa ilalim ng Section 5, Illegal Possession of Dangerous Drugs sa Section 11, at Possession of Equipment, Instrument, Apparatus and Other Paraphernalia for Dangerous Drugs.
Walang inirekomendang piyansa para sa kasong illegal sale of dangerous drugs, habang may inirekomendang piyansa naman sa dalawa pang kaso.
Dinala ang suspek sa kustodiya ng Police Station 2 para sa dokumentasyon at kaukulang proseso bago iharap sa korte.
Ayon kay PCPT Victor D. Lovido, Officer-in-Charge ng PS2, patuloy nilang tutugisin ang mga wanted person upang maipatupad ang batas at mapanagot ang mga nahaharap sa kasong kriminal.
Dagdag pa niya, isasagawa ang mga operasyon alinsunod sa batas at sa paggalang sa karapatan ng bawat indibidwal.