‘Tarumol na Motorista’
Photo Courtesy: ACTF
Ni Rodolfo Idusora
Muntik nang mapahamak ang isang motorista nang ito’y mahagip ng isang motorsiklong mabilis na minamaneho sa National Highway ng Barangay San Jose.
Ayon sa ulat ng Anti-Crime Task Force, napansin nila ang mabilis na motorsiklo na nakahagip umano ng kapuwa-motorista.
Agad nilang sinundan at saka sinubukang pahintuin ang motorista. Sa halip na sumunod, nag-U-turn ito at muling humarurot.
Bahagyang natumba ang motorsiklo at saka iniwan ng drayber ang kanyang angkas na kinilalang si Marc, 23-anyos, residente ng Barangay Sta. Monica.
Muling tumakas si John, 18-anyos, residente ng Narra, Palawan, sakay ng pulang RUSI 155 na walang plaka.
Agad na nakipag-ugnayan ang tropa sa kabilang mobile unit na nagpapatrolya sa Mitra Road upang maharang ang tumatakas na motorista.
Nakita rin ng nasabing mobile unit ang suspek na pumasok sa isang dead-end na daan. Iniwan nito ang motorsiklo sa damuhan at tumakas patungo sa masukal at magubat na bahagi ng Barangay Tagburos.
Sa kabila ng paghahanap ng mga pulis, hindi na natagpuan ang driver.
Sa salaysay naman ng angkas, katatapos lamang umano nilang uminom at napagkasunduang bumiyahe patungong Nagtabon Beach.
Nag-isyu ng citation ticket ang mga awtoridad kaugnay ng paglabag, habang dinala ang motorsiklo sa CTMO impounding area.