Agila, nasagip nang sumabit sa kulungan ng manok
Photo Courtesy: PCSD
Ni Rodolfo Idusora
Nasagip ng mga awtoridad ang isang Changeable Hawk Eagle nang sumabit sa kulungan ng mga manok sa Barangay Sta. Lourdes, Puerto Princesa City, noong Nobyembre 3.
Agad na rumesponde ang rescue team ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) nang makatanggap ng ulat mula sa isang Wildlife Enforcement Officer hinggil sa agilang nangangailangan ng tulong.
Pagdating sa lugar, sinuri ng mga eksperto, katuwang ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) Roxas, ang kalagayan ng ibon. Lumabas sa paunang pagsusuri na nasa maayos itong kondisyon, aktibo at walang nakitang pisikal na pinsala.
Dinala ang agila sa tanggapan ng PCSD para sa pansamantalang pangangalaga at karagdagang pagsusuri ng mga eksperto mula sa Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC).
Aalamin pa kung maaari na itong pakawalan at ibalik sa natural nitong tirahan o kailangan munang sumailalim sa karagdagang pangangalaga.
Ang Changeable Hawk Eagle (Nisaetus cirrhatus) ay kabilang sa mga endangered species o uri ng hayop na nanganganib nang maubos, batay sa PCSD Resolution No. 23-967.
Nanawagan naman ang PCSDS sa publiko na agad iulat sa kinauukulang awtoridad ang mga makikitang ligaw na hayop na nangangailangan ng tulong upang matiyak ang kanilang kaligtasan at pangangalaga.