Rambulan sa bar
Photo Courtesy: ACTF
Ni Rodolfo Idusora
Nauwi sa rambulan ang umano’y alitan ng dalawang grupo sa loob ng isang entertainment bar bandang alas-4:20 ng madaling-araw nitong Biyernes, Nobyembre 13.
Nagtamo ng galos at sugat sa katawan ang ilang indibidwal, kabilang ang isang security guard.
Ayon sa City Anti-Crime Task Force, nadatnan ang ilang indibidwal na nag-aaway sa loob ng bar. Agad nilang inawat ang mga sangkot at pinapalabas ang mga ito upang mapigilan ang patuloy na kaguluhan.
Ilan sa mga nagtamo ng physical injuries ay sina John Louie, 31, residente ng Barangay San Miguel, at 28-anyos na residente ng Barangay San Pedro. Sugatan din ang security guard ng Panari Bar na umano’y binugbog habang inaawat ang nag-aaway na grupo.
Agad na dinala ng mga rumespondeng pulis at tauhan ng Police Station 1 ang ilan sa mga biktima sa Ospital ng Palawan (ONP) para sa paunang lunas.
Samantala, isinugod naman sa isang pribadong pagamutan ang isa pang sugatan dahil sa malubhang pinsala sa ulo.
Sa paunang beripikasyon, nag-ugat umano ang insidente sa alitan ng dalawang grupo. Ayon sa isang pahayag, dumating ang grupo ni Shanti Pat sa kanilang stall sakay ng dalawang sasakyan, kung saan nagsimula ang komprontasyon na nauwi sa rambulan sa loob ng Bar.
May mga ulat din na sinira umano ang kanilang stall at binato ng kabilang grupo bago tumakas.
Kinumpirma rin ng ilang saksi na nakita nila ang pagdating ng grupo at ang pagsisimula ng pagtatalo sa Breham Lechon.
Pormal nang isinuko sa Police Station 1 ang insidente para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon.