November 20, 2026
FB_IMG_1795095379557

Ni Rodolfo Idusora

Ligtas na ang batang Asian Small-Clawed Otter o “dungon” mula nang mapadpad sa isang bahay sa Barangay Poblacion, Narra, Palawan, noong Nobyembre 13.

Sinagip ng mga tauhan ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) nang i-report sa tanggapan ang naturang buhay-ilang.

Napansin umano ng residente ang otter matapos mag-ingay ang kanilang mga alagang manok. Ilang beses nila itong pinakawalan, ngunit paulit-ulit umano itong bumabalik sa kanilang lugar.

Sa isinagawang paunang pagsusuri, natukoy na isa itong lalaking dungon na maamo’t tila sanay sa presensya ng tao.

Dinala na ito sa Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC) kung saan sasailalim ito sa karagdagang pagsusuri ng beterinaryo, medikal na pangangalaga, at rehabilitasyon.

Ang Asian Small-Clawed Otter (Aonyx cinereus) ay isang uri ng buhay-ilang na kailangang manatili sa natural nitong tirahan.

Paalala ng PCSDS sa publiko, huwag hulihin, saktan o gawing alagang hayop ang mga wildlife species na napapadpad sa mga kabahayan.

Agad itong iulat sa kinauukulang awtoridad upang matiyak ang tamang pagresponde at pangangalaga sa naturang hayop.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *