Truck driver sa fatal accident sa Luzviminda, nakalaya na
Photo Courtesy: Kgd. Jerald Gales
Ni Rodolfo Idusora
Nakalaya na mula sa kustodiya ng Police Station 3 ang drayber ng truck na sangkot sa aksidenteng ikinasawi ng isang indibidwal sa Barangay Luzviminda, Puerto Princesa City.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), mayroon nang paunang pag-uusap ang pamilya ng nasawi at ang may-ari ng truck kaugnay ng insidente.
Pinag-uusapan pa ng magkabilang panig ang posibleng pag-aayos sa nangyari.
Nilinaw naman ng pulisya na kung hindi magkakaroon ng kasunduan, handa silang magsampa ng kaukulang kaso, depende sa magiging pasya ng pamilya ng nasawi.
Nauna nang sinabi ng drayber na aksidente ang nangyari. Ayon sa kanyang pahayag, nagkabulagaan umano sila ng kabilang sasakyan sa kalsada bago naganap ang banggaan.
Giit din niya, kapwa umano hindi mabilis ang takbo ng kanilang sasakyan bago ang insidente.
Patuloy namang nakadepende sa resulta ng pag-uusap ng pamilya ng nasawi at may-ari ng truck ang susunod na hakbang kaugnay ng posibleng pagsasampa ng kaso.
Sa kabila ng paglaya ng drayber sa himpilan ng pulisya, hindi nangangahulugang tuluyan nang natapos ang usapin dahil maaari pa ring humantong sa kasong legal ang insidente.
Patuloy na inaabangan ang magiging resulta ng pag-uusap ng magkabilang panig.