Palaweño singer, umariba sa GMA-7
Photo Courtesy: GMA-7
Ni Rodolfo Idusora
Nakapasok sa Tanghalan ng Kampeon ng GMA-7 ang 18-anyos na singer mula Palawan na si Ken Arroyo Mangua nang talunin ang katunggaling si Regine Mejica ng Cavite nitong Nobyembre 17.
Napanood si Mangua sa noontime variety show na TiktoClock ng GMA-7, kung saan isa sa mga hurado ang kapwa Palawenong singer na si Daryl Ong.
Gayunman, hindi nagawang maagaw ni Mangua ang titulo mula sa dating kampeon na si Reynold Murillo ng Quezon City, na nanatili sa puwesto matapos ang kanilang paghaharap.
Hindi na bago kay Mangua ang sumabak sa malalaking singing competition. Ilan sa mga sinalihan at napagwagian niya ang mga patimpalak na Your Voice, Kumu Magpabida, at Toppstar Kids.
Napanood din ang batang singer sa documentary film na Sydney, dagdag sa kaniyang karanasan sa larangan ng musika at pagtatanghal.
Bagaman hindi niya nakuha ang titulo bilang bagong kampeon, ipinakita ni Mangua na kaya niyang makipagsabayan sa mga mang-aawit mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Muling naipakita ng batang Palaweño ang kaniyang kakayahan sa pambansang telebisyon, na nagbibigay ng dagdag na pagkilala sa talento ng mga mang-aawit mula sa Palawan.