Motorista, patay sa banggaan sa Bacungan
Ni Rodolfo Idusora
BABALA: Sensitibong ang paksa. Maging disente sa pagkomento.
Patay ang drayber ng motorsiklo habang sugatan ang angkas nito nang mabangga ng Toyota Innova sa kahabaan ng North National Highway sa Sitio San Carlos, Barangay Bacungan, Puerto Princesa City, nitong hapon ng Miyerkules, Nobyembre 18.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Police Station 2, binabagtas ng Honda Click 125 na kulay brown, sakay ang dalawang indibidwal, ang outer lane ng highway nang salpukin umano ng mabilis na Toyota Innova.
Dahil sa lakas ng banggaan, tumilapon ang mga sakay ng motorsiklo mula sa pinangyarihan ng insidente. Nawalan naman ng kontrol ang Innova at tuluyang bumulusok sa gilid ng kalsada.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng HERO team at nagbigay ng paunang lunas sa mga biktima bago isinugod sa ospital.
Idineklarang dead-on-arrival ng attending physician ang drayber ng motorsiklo.
Nasa stable condition naman ang angkas nito matapos magtamo ng mga pinsala. Hindi naman nasaktan ang drayber ng Toyota Innova.
Ayon sa Police Station 2, ini-report ng concerned citizen an insidente kaya agarang nakapagresponde ang mga pulis sa lugar upang magsagawa ng imbestigasyon at tiyakin ang seguridad sa pinangyarihan.
Dinala rin sa Police Station 2 ang drayber ng Innova para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.
Patuloy pang inaalam ng pulisya ang buong pangyayari upang matukoy ang sanhi ng aksidente at posibleng pananagutan ng mga sangkot.