(Kuhang larawan/Facebook/Taytay, Palawan, Police Community Relations)

PUERTO PRINCESA CITY – Patuloy ang ikinakasang ‘hot pursuit operation’ sa isang suspek sa diumano’y insidente ng pananaga sa bayan ng Taytay, Palawan, Disyembre 30, 2023.

Sa Facebook post, kinumpirma ng Taytay Police Community Relations (PCR) na pinaghahanap ng pulisya ang suspek na kinilalang si Elfredo Gajarion Coching, 47-anyos, residente ng Sitio Tamisan, Brgy. Busybees ng nabanggit na bayan.

Si Coching ang suspek sa pananaga sa biktimang si Royet Coching nitong nakalipas na Sabado kung saan hindi pa narerekober ang katawan ng biktima.

Ayon sa Taytay PCR, huling namataan ang suspek sa So. Curing, Brgy. Binudac, bayan ng Culion, Palawan.

Panawagan ng mga awtoridad, agarang ipagbigay-alam sa kinauukulan ang kinaroroonan ng suspek para sa mabilis na pagkakahuli nito.

“Any person with information on his whereabouts should contact Taytay Municipal Police Station on the following numbers 0998-598-5874 or 0917-165-5848 or contact any nearest police station,” bahagi ng kapsiyon ng Taytay PCR.

Dagdag dito, ang suspek ay dati na ring may kaso ng pagnanakaw.

Author