Photo courtesy | Munisipalidad ng Narra, Palawan

PUERTO PRINCESA — Pinangunahan ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ang pagpapasinaya sa pagbubukas ng Narra Municipal Firing Range na ginanap nitong ika-18 ng Oktubre, taong kasalukuyan.

Malugod na iginawad ng Provincial Police Office (PPO) Palawan ang Foyer Honor sa pagdating ni Sen. Dela Rosa. Ito ay isang seremonya ng pagbibigay pagkilala at pagpapahalaga sa mga mahahalagang opisyal ng kapulisan, partikular na ang mga nasa mataas na posisyon.

Mainit na sinalubong ng kapulisan sa pangunguna ni PLTCOL Christopher L. Navida, Force Commander 1st PPMF si Sen. Dela Rosa na tumayong Guest of Honor at Speaker sa inugarasyon ng nasabing proyekto.

Nagsisilbing mahalagang bahagi ng pagsasanay para sa mga kapulisan ang firing range area. Ito ay espisyalisadong lugar para makapag-ensayo ng kanilang shooting skills at teknik sa paggamit ng kanilang armas ng ligtas, at mapaghusay lalo ang kanilang marksmanship.

Sa pamamagitan nito, naiiwasan ang anumang aksidente at malayo sa kapahamakan ang mga sibilyan at dinisenyo ito upang ihanda ang mga kapulisan sa real-life situation.

Ang Narra municipal firing range ay matatagpuan sa Barangay Princess Urduja sa naturang bayan.

Samantala, dumalo sa nasabing inugarasyon sina Mayor Gerandy B. Danao, PCOL Carlito A. Narag Jr. Provincial Director Palawan PPO, PCOL Ronie S. Bacuel, City Director, Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) at PMAJ Michael Von Lagbisit, Chief of Police Narra MPS.

Author