Photo courtesy | PPPO

Ni Lars Rodriguez

Patay ang isang magsasaka matapos ma-hit and run ng dump truck sa National Highway ng Brgy. Tagumpay sa bayan ng Roxas, Palawan, kaninang madaling araw, Huwebes, Enero 23.

Ayon sa saksi, sa halip na huminto at tumulong ang drayber ng truck, agad umano itong sumibat sa pinangyarihan ng insidente. Nagawa namang habulin ng saksi ang drayber hanggang sa ma-corner ito sa bahagi ng Brgy. San Jose sa kaparehong bayan.

Kinilala ang biktima na si ‘Alyas Ed’, 33-anyos, isang magsasaka, at residente ng nasabing barangay.

Kinilala rin ang drayber ng truck na si ‘Alyas Jomer’, 49-anyos, may-asawa, at residente ng Brgy. New Agutaya, San Vicente, Palawan.

Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, ang biktima ay naglalakad pauwi sa kanilang tahanan, habang tumatawid sa nasabing kahabaan, nabangga umano ito ng dump truck na walang kaukulang plaka at iba pang dokumento.

Mahaharap sa kasong “reckless imprudence resulting to homicide with abandonment of one’s own victim” ang nasabing suspek.

Samantala, sinubukan namang isugod ang biktima sa Roxas Medicare Hospital ngunit idineklara itong dead on arrival.

Author