Ni Clea Faye Cahayag
Pinaigting ng Philippine Coconut Authority (PCA) ang pagpapatupad ng massive coconut planting program sa Palawan bilang bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na makapagtanim ng 100 milyong puno ng niyog pagsapit ng 2028.
Sinabi ni Engr. Arlo G. Solano, Acting Division Chief ng PCA-Palawan, nakatuon ang kanilang ahensiya sa pagtatanim ng mga puno ng niyog sa bahaging norte ng Palawan at sa lungsod ng Puerto Princesa.
Aniya, isa sa katuwang nila sa pagpaparami ng coconut seedlings ang Western Philippines University (WPU) main campus sa bayan ng Aborlan.
Tinatayang 60,000 coconut seedlings ang kasalukuyang pinalalaki at nakatakdang ipamahagi sa hilagang bahagi ng Palawan ngayong Setyembre.
Paliwanag ni Solano, prayoridad ng PCA ang mga bayan tulad ng Dumaran, Taytay, Roxas, San Vicente at northern barangays ng Puerto Princesa dahil ang mga lugar na ito ang lubos na naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Odette noong 2021.
Sa datos, umaabot sa 330,000 puno ng niyog ang napinsala ng bagyo.
“Talagang nakatuon po ang aming ahensya dito sa lalawigan ng Palawan kasi nu’ng nagkaroon tayo ng previous typhoon Odette marami po ang puno ng niyog ang natumba at hindi na talaga naka-recover kailangan mo na talagang palitan kaya doon kami nakaconcentrate ngayon pagdating sa replanting program,” saad nito.
Noong nakaraang taon, umabot sa 600 ektarya ang inilaan para sa coconut planting kung saan halos 80 porsiyento ay nasa bahaging norte ng Palawan.
At ngayong 2026, mahigit 900 ektarya ang target na taniman at 60 porsiyento ay inilaan pa rin sa mga lugar na labis na naapektuhan ng bagyong Odette.