Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Arestado ng mga kapulisan ng Rizal Municipal Police Station (RMPS) ang Provincial Top 3 Most Wanted Person sa nabanggit na bayan dahil sa dalawang kaso ng statutory rape na walang piyansang inirekomenda ng korte.
Himas-rehas ang suspek na kinilala sa alyas na “Ban”, 39-anyos, rice mill operator at residente ng Barangay Campong Ulay, Rizal, Palawan, ayon sa Provincial Police Office (PalPPO).
Ang pag-aresto ay isinagawa nitong Hulyo 14 sa Sitio Malaca-Laca ng naturang barangay. Batay sa warrant of arrest na inilabas noong Hunyo 25, 2026, ng Regional Trial Court Branch 165 sa Brooke’s Point, nahaharap ang suspek sa dalawang bilang ng statutory rape, na walang piyansa ang inirekomenda ang korte para sa kaso.
Pinangunahan ng Rizal Municipal Police Station (MPS) ang operasyon sa pamumuno ni PMAJ Bronson C. Caramo, katuwang ang Provincial Intelligence Unit, 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC), at Rizal Maritime Law Enforcement Team.
Dinala ang suspek sa kustodiya ng Rizal MPS para sa dokumentasyon at diposisyon. Pinuri naman ni Provincial Director PCOL Joel D. Casupanan ang mga yunit na nagsagawa ng operasyon. Aniya, patuloy na magiging pangunahing operasyon ng pulisya ang kampanya laban sa mga wanted persons upang mapanagot ang mga indibidwal na may pananagutan sa batas.
Editor’s Note: “Blurred” ang larawan ng biktima o suspek alinsunod sa probisyon ng Data Privacy Act.