Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Babala: Naglalaman ng sensitibong paksa at larawan. Maging disente sa pagkomento.
Natagpuan sa baybayin ng Quezon, Palawang ang bangkay ng isang magsasaka mula Rizal nitong Hulyo 23 matapos maiulat na umano’y nalunod habang nangingisda.
Batay sa impormasyong ibinahagi ng Palawan Provincial Police Office (PalPPO), nadiskubre ang katawan ng nasabing magsasaka nang makita ito ng isang mangingisda bandang alas-9:00 ng umaga. Agad ipinagbigay-alam sa kapitan ng barangay, na siya namang nag-ulat sa Quezon Municipal Police Station (MPS).
Ayon sa mga awtoridad, kinilala ang biktima na si alyas “Ken”, 48-anyos, magsasaka, at residente ng Bgy. Punta Baja, Rizal, Palawan. Naitala ng Rizal Coast Guard Sub-Station na siya ay iniulat na nawawala noong gabi ng Hulyo 19. Matapos ang koordinasyon ng Quezon Coast Guard Sub-Station, positibong nakilala ng mga kaanak ang katawan.
Isinailalim ang bangkay ng magsasaka sa post-mortem examination ng Municipal Health Office, lumabas na nasa advanced stage of decomposistion na ito at walang nakitang palatandaan ng pananakit o karahasan.
Samantala, iniulat ng mga awtoridad sa kanilang paunang imbestigasyon na posibleng nalunod ang biktima matapos hindi mapansin ang biglang pagtaas ng tubig habang nangingisda sa reef flat.