Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Nagkasa ng magkakahiwalay na operasyon ang Palawan Provincial Police Office (PalPPO) sa ilalim ng pamumuno ni Police Colonel Joel D. Casupanan, Provincial Director, upang maaresto ang tatlong (3) indibidwal na may kinakaharap na iba’t ibang kaso.
Sa patuloy na pinaiigting na kampanya laban sa kriminalidad, nadakip sa mga bayan ng Sofronio Espanola, Busuanga, at Roxas, Palawan, ang tatlong (3) wanted persons.
Unang naitala ang operasyon ng Sofonio Espanola Municipal Police Station (MPS) laban sa isang 18-anyos na akusado na kasalukyang nakadetine sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Brooke’s Point District Jail. Batay sa warrant na inilabas ng Regional Trial Court (RTC) Branch 165, Brooke’s Point, nahaharap siya sa apat na kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Anti Child Abuse Law.
Samantala, naaresto sa Bgy. Salvacion, Busuanga ang isang 23-anyos na manggagawa dahil sa kasong Theft sa ilalim ng Revised Penal Code na inamyendahan ng Republic Act 10951.
Sa ikatlong operasyon, pinangunahan ng Dumaran MPS, katuwang ang 2nd Palawan Provincial Mobile Force Company (PMFC), ang pagdakip sa isang 37-anyos na magsasaka sa Bgy. Magara, Roxas dahil sa bench warrant para sa kasong Less Serious Physical Injuries matapos hindi dumalo sa pagdinig sa korte.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang operating units ang mga naarestong indibidwal para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon. | via Samuel Macmac
Editor’s Note: “Blurred” ang larawan ng biktima o suspek alinsunod sa probisyon ng Data Privacy Act.