Bagyo, inaasahang papasok bukas
Photo courtesy: DOST- PAGASA
Ni Clea Faye G. Cahayag
Inaasahang papasok bukas, araw ng Huwebes, sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang binabantayang bagyo ng Department of Science and Technology–Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) na kasalukuyang nasa labas pa ng PAR.
Ayon kay Weather Specialist Chenel Dominguez, ang bagyo na nasa Tropical Depression category ay huling namataan sa layong 1,920 kilometro silangan ng Southeastern Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hangin na 55 kilometers per hour at pagbugsong umaabot ng 70 kilometers per hour. Kumikilos ito sa direksyong Northwestward sa bilis na 25 kilometers per hour.
Aniya, wala pa itong direktang epekto sa anumang bahagi ng bansa.
Sa ngayon, ang trough o buntot ng bagyo ay magdadala ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng eastern section ng Visayas at Mindanao.
Wala rin umanong epekto ang Southwest Monsoon o Habagat sa anumang bahagi ng bansa sa ngayon.
Batay sa inilabas na Tropical Cyclone Advisory kagabi, inaasahang papasok sa PAR ang bagyo bukas ng umaga o hapon at tatawagin itong “Quennie.”
“Makikita natin dito sa forecast track papasok ito bilang isang ganap na Tropical Storm Category at dito sa loob ng PAR nakikita natin ang kanyang highest category ay Typhoon Category pero kung makikita rin po natin palayo ito ng ating kalupaan kaya hindi natin inaasahan na magkakaroon tayo ng landfall scenario [r]ito sa malaking bansa ng ating bansa,” paliwanag ni Dominguez.
Sa kabila nito, hindi rin inaalis ang posibilidad na makahila ito ng Habagat. Gayunpaman, hindi inaasahan ang malawakang pag-ulan na katulad ng mga naranasan noong nakaraang buwan.
Samantala, para sa magiging lagay ng panahon ngayong araw, Setyembre 23, inaasahang magiging maaliwalas ang panahon sa buong Luzon pero asahan rin ang init at alinsangan, lalo na pagsapit ng tanghali at hapon, na may posibilidad ng isolated rain showers at malalakas na bugso ng ulan dulot ng localized thunderstorms.
Dahil naman sa trough, mataas ang tiyansa ng pag-ulan sa Eastern Visayas, Caraga, Camiguin, Misamis Oriental, at Davao Oriental.
Sa nalalabing bahagi ng Mindanao, Visayas, at buong Palawan, inaasahang magiging maaliwalas din ang panahon, ngunit may mataas na tiyansa ng localized thunderstorms, lalo na pagsapit ng hapon at gabi.