October 28, 2026
FB_IMG_1793006894693

Photo courtesy: Kgd. Jerald Gales

Ni Rodolfo Idusora

Dinakma ng mga awtoridad ang apat na kalalakihan matapos makumpiskahan ng tinatayang ₱68,000 halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay San Manuel, Lungsod ng Puerto Princesa, Palawan, gabi nitong Sabado, Oktubre 24.

Kinilala ang mga naaresto sa mga alyas na Tarike, 50; Dennis, 42; Kulot, 30; at Junjun, na tinukoy sa ulat bilang high-value individual (HVI) o kabilang sa mga target ng operasyon.

Ayon sa ulat, nasa 10 gramo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa ikinasang operasyon.

Narekober din ang isang tunay na ₱500 bill na ginamit bilang buy-bust money at 24 na piraso ng boodle money na ginamit sa transaksiyon.
Pinangunahan ng Philippine National Police Drug Enforcement Group–Special Operations Unit 4B ang operasyon, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Palawan, Regional Drug Enforcement Unit, Puerto Princesa City Police Office (PPCPO), at City Anti-Crime Task Force.

Dinala sa kustodiya ng pulisya ang mga naarestong kalalakihan habang isinailalim sa dokumentasyon ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang proseso.

Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na may kaugnayan sa pagbebenta at ilegal na pag-iingat ng ipinagbabawal na droga.

Patuloy ang proseso laban sa mga naaresto habang inihahanda ang kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kaso.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *