October 28, 2026
FB_IMG_1793011168005

Photo courtesy: Councilor Abad

Ni Rodolfo Idusora

Pinag-aaralan ng Committee on Transportation ng Sangguniang Panlungsod ng Puerto Princesa ang panukalang maglaan ng tricycle waiting area para sa dalawampung (20) accredited Tricycle Operators and Drivers Associations (TODA) sa New Public Market sa Barangay Mandaragat.

Layunin ng panukala na magkaroon ng nakatalagang hintayan ng mga tricycle na nagseserbisyo sa mga vendor, mamimili at iba pang pumupunta sa palengke.

Batay sa liham at Federation Resolution No. 18, Series of 2026, na isinumite ng Puerto Princesa City Federation of TODA noong Oktubre 14, nais ng grupo na magkaroon ng maayos na lugar kung saan maaaring maghintay ang mga drayber ng pasahero.

Inaasahang makatutulong ang panukala upang maiwasan ang hindi organisadong paghihintay at pagsasakay ng pasahero na maaaring makasagabal sa daloy ng trapiko, mga daanan ng pedestrian at operasyon ng palengke.

Tiniyak naman ni Konsehal Gerry Abad na pakikinggan ng komite ang saloobin at pangangailangan ng mga tricycle driver bago magpasya sa panukala.

Ayon sa konsehal, mahalagang maisaalang-alang ang kalagayan ng mga drayber habang tinitiyak ang kaligtasan at kaayusan ng mga pasahero at iba pang gumagamit ng palengke. Isa rin sa mga dapat pag-aralan ang angkop na lokasyon ng waiting area, dami ng mga tricycle na maaaring pumuwesto rito, at mga patakarang ipatutupad upang hindi makasagabal sa mga sasakyan at pedestrian.

Kailangan ding makipag-ugnayan sa City Tricycle Franchising Regulatory Board (CTFRB) at sa pamunuan ng New Public Market upang matiyak na magiging angkop ang lugar at ang pamamahala rito.

Sa ngayon, wala pang pinal na desisyon sa kahilingan ng pederasyon. Patuloy pang pinag-aaralan ng Committee on Transportation ang mga posibleng hakbang upang matugunan ang pangangailangan ng mga tricycle driver nang hindi naaapektuhan ang kaayusan sa palengke.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *