Palawan Investment Forum
Photo Courtesy: REPETEK
Ni Clea G. Cahayag
Sa ikatlong araw ng Palawan World’s Best Island Travel & Trade Expo (WBI) 2026 sa Cebu, isinasagawa ang isang investment forum na layuning mabigyan ng pagkakataon ang mga munisipyo sa lalawigan ng Palawan na ipakilala ang kanilang mga investment portfolio sa mga potential investors.
Sa panayam kay Palawan Tourism Council President (PTC) Rey Felix Rafols napakahalaga ng forum na ito upang maipakita ang mga oportunidad sa negosyo sa Palawan at kahandaan ng lokal na pamahalaan sa mga nais mamuhunan sa lalawigan.
“This will be the first time these municipalities will be presenting their investment portfolio—ito ay magiging gateway for them, to open the door to our different investors and open trade agreements.
Malaki po itong ginagawa natin dahil unang-una we just want to say Palawan is business friendly, that Palawan is accepting and very positive sa investors not just foreign but local investors,” aniya.
Sinabi ni Rafols, target ng investment forum na hikayatin ang mga negosyante mula sa Visayas at Mindanao na mamuhunan sa lalawigan gayundin ang mga dayuhang nais maging parte ng paglago ng ekonomiya ng Palawan.
Binigyang-diin nito ang mahalagang papel ng pribadong sektor sa pangunguna sa investment forum upang maibahagi ng mga lokal na negosyante ang kanilang karanasan sa pagnenegosyo sa Palawan.
“Ang priority talaga natin is ‘yung ating mga local businesses already katulad sa amin ang spearhead talaga ng investment forum ay private sector kasi very proud kami sa government help/assistance na nangyayari dito sa Palawan—maganda ‘yung suporta ng local government of Palawan and other municipalities ay very supportive sa ating local business,” dagdag pa ng opisyal.
Ayon pa kay Rafols, kailangan lamang ang tuluy-tuloy na komunikasyon sa pagitan ng negosyante at pamahalaan upang mabigyang solusyon ang mga problemang posibleng kaharapin ng mga lokal na negosyante.
“Ang kailangan lang constant discussion communication kung nahihirapan ‘yung mga local investors/businesses kailangan continuous ang pag-uusap kasi hindi naman ‘yan makikita kaagad ng LGU natin dapat maging open ang isa’t isa sa discussion,” pahayag pa nito.