October 31, 2026
FB_IMG_1793335528501

Photo Courtesy: REPETEK

Ni Ferds Cuario

Pinasinayaan ng Pag-IBIG Fund Palawan ang kauna-unang proyektong pinondohan sa ilalim ng Barkada Franchise Financing (BFF) loan program sa Palawan upang mahikayat ang mga miyembro nito na gamitin ang kanilang pautang para maging puhunan sa negosyo.

Sa ilalim ng BFF, maaaring bumuo ng hindi bababa sa tatlong miyembro ng Pag-IBIG Fund at pagsamahin ang kanilang mga pondong makukuha mula sa mga aprubadong Short-Term Loan (STL) upang makapagsimula ng negosyo.

Ayon kay Jacqueline Constantino, Vice President for Member Services Operations ng Luzon Group, layunin ng programa na matulungan ang mga miyembro na mapalago ang kanilang pera sa pamamagitan ng pagnenegosyo, sa halip na gamitin lamang sa personal na gastusin ang kanilang loan sa PAG-IBIG.

“Kumikita ang pera n’yo kay Pag-IBIG Fund, kumikita rin ang pera n’yo sa business n’yo. Sa pamamagitan ng BFF loan, gagabayan kayo ng Pag-IBIG Fund sa pagtatayo ng inyong negosyo. ” ani Constantino.

Bukas ang Pag-IBIG sa mga miyembro na nais maghain ng iba’t ibang ideya sa negosyo na maaari nilang pagkakitaan.

Para naman kay Ronald Bryan Basalio, isa sa mga owner ng Coffee Vending Machine Business sa Barangay Sicsican, Puerto Princesa City, ang pinakaunang approved BFF loan, mahalagang maunawaan ng mga miyembro na maaaring gamitin ang pangungutang sa makabuluhang paraan gaya ng pagnenegosyo.

Aniya, kailangang maging matalino sa paghawak ng pera, lalo na sa murang edad, upang maiwasang maging pabigat ang utang.

Sa pamamagitan ng BFF loan program, umaasa ang Pag-IBIG Fund na mas maraming miyembro ang mahihikayat na magsimula ng negosyo at magkaroon ng karagdagang pagkakakitaan.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *