November 6, 2026
FB_IMG_1793928550481

Photo Courtesy: Repetek

Ni Clea Faye G. Cahayag

Muling magsasama-sama ang mga motorcycle enthusiast mula sa iba’t ibang panig ng bansa para sa ikalimang edisyon ng Legends Ride 2026.

Ayon kay Dr. Kevin Matthew Reyes, Event Chairman, ito ay isang national event na “homegrown” sa lungsod ng Puerto Princesa na layuning bigyan ng importansya ang malaking kontribusyon ng mga motorcycle riders sa riding community sa buong Pilipinas.

Motto nito ngayong 2026 ang “Brotherhood and Tourism Through Motorcycling”.

“Ang goal natin dito magkaroon ng camaraderie all over the Philippines not just the local riders but riders in Manila in Luzon, Visayas and Mindanao at the same time we promote the beauty of Puerto Princesa and the whole of Palawan. So ‘yun [ang ] pinaka main goal ng event na it,” ani Reyes.

Ang Legends Ride ay bahagi ng pagdiriwang ng Subaraw Biodiversity Festival na naglalayong makahikayat ng mas maraming turista na bumisita sa lungsod.

Para makasali, kinakailangang may valid driver’s license ang mga kalahok, rehistrado at nasa maayos na kondisyon na motorsiklo.

Ayon kay Butch Chase, Presidente ng Puerto Princesa Tamilok Motorcycle Grou, bago ang mismong ride sa Nobyembre 14, magkakaroon muna ng Ride Safe Palawan Riding Clinic sa Nobyembre 13 na isasagawa sa International Racing Circuit sa Barangay Sta. Monica. Pangungunahan ito ni Coach Clyde, kung saan inaasahang matututunan ng mga partisipante ang mga basic skills sa motorcycle riding bilang pag-iingat sa paggamit ng kalsada.

“Yung mga sasali [r]oon sa clinic na ‘yun sa Legends Ride, ‘yung registered. P’wede rin sila mag-dessiminate after matuto sila kung ano ang tama kasi ang purpose namin ni Chairman (Reyes) para maging aware rin ‘yung mga riders ano ‘yung tama kasi walang gaanong nagpupunta rito ‘yung mga ganyang clinic,” pahayag ni Chase, isa sa mga beterano sa larangan ng motorcycle riding.

Limitado sa 50 katao ang slots para sa clinic na ipatutupad sa sistemang first come, first basis.

Bibigyan ang mga kalahok ng hands-on training sa iba’t ibang riding techniques kabilang ang cornering, slow maneuvering, stopping, braking, at tamang pagbabahagi ng kalsada sa iba pang motorista.

Binigyang-diin, hindi ito isang karera sa halip pagtataguyod ng pagkakaisa, kaligtasan at responsableng pagmomotorsiklo.

Samantala, magsisimula ang ruta ng Legends Ride sa Robinsons Place Palawan patungong Montible, Napsan, Simpocan at Talaudyong.

Para sa kaligtasan, naglagay rin ng tarpaulin at road signs na madaling makikita at mababasa ng mga riders. Nakipag-ugnayan din sila sa mga nabanggit na barangay upang humingi ng assistance at humiling ng ambulansya para sa nasabing aktibidad.

Target ng Legends Ride ang hanggang 300 kalahok kabilang ang humigit-kumulang 30 riders na magmumula sa labas ng lalawigan ng Palawan.

Ang mga interesadong sumali ay maaaring magparehistro online sa official facebook page ng Legends Ride Palawan.

Nagtalaga rin ng apat (4) na onsite registration na matatagpuan sa Total Gasoline Station sa harap ng Robinsons Place Palawan, Shell Malvar sa tapat ng SM City Puerto Princesa, Shift sa Rizal Avenue at hardware malapit sa Sta. Monica National High School.

Mayroong registration fee na ₱2,000 kasama na rito ang event kit, pagkain, ride entertainment at raffle.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *