Aklat ng kasaysayan ng Puerto Princesa
Photo Courtesy: REPETEK
Ni Clea G. Cahayag
Sa loob ng maraming taon marami pang bahagi ng kasaysayan ng Puerto Princesa ang nananatiling hindi nalalaman ng publiko, ayon kay City Tourism Officer Demetrio “Toto” Alvior.
Aniya, hindi madaling ipunin ang mga kuwento ng nakaraan sapagkat ilan sa mga ito ay mahirap nang matagpuan at nangangailangan ng masusing pananaliksik upang mabigyang linaw ang tunay na pangyayari.
Upang masagot ang mga katanungang ito, ang City Tourism Office’s Culture and Arts Program at Palawan State University–Palawan Studies Center at Local Historical Committee Network sa pamamagitan ni Professor Michael Angelo A. Doblado, ay bumuo ng isang aklat na maglalahad ng mga mahahalagang pangyayari na humubog sa Puerto Princesa.
Ayon kay Alvior, hindi lamang kasaysayan ang matutunghayan sa aklat na ito kundi maging ang mahahalagang industriya tulad ng turismo, mga kilalang pook, mahahalagang establisyimento, mga natatanging tanawin at atraksiyong pangturista na sumasalamin sa yaman at ganda ng Puerto Princesa.
“Layunin ng aklat na higit pang makilala ang ating lungsod sa pamamagitan ng pagbabalik tanaw sa nakaraan at pagpapakilala sa mga bagay na nagbibigay ng natatanging identitad sa lungsod ng Puerto Princesa,” pahayag nito.
Ayon naman kay Doblado, ito’y magsisilbing tulay upang mapanatili ang ugnayan ng bawat isa at pagpapahalaga sa kanilang pinagmulan.
Hindi lamang kasaysayan ang mababasa sa librong ito kundi pati na rin ang pagkakaisa at patuloy na pag-unlad ng Puerto Princesa.
“This book is not only about history but also about the community where who continually building. It is a community strengthen by a shared stories that bind us together. Creating our home within identity that we may be proud of because we are Puerto Princesans and Palawenyo,” ani Doblado.
Ang librong Puerto Princesa and Palawan: Shared History and Heritage: Old Poblacion Sites and Narratives ay opisyal na inilunsad noong ika-16 ng Oktubre.
Tampok sa aklat ang 15 mahahalagang cultural properties na naglalahad sa pinagsasaluhang kasaysayan ng Puerto Princesa at Palawan.
Gumamit ito ng mga primary at secondary sources upang makapaglahad ng “reliable historical narratives” na makatutulong sa pagtuturo ng ating kasaysayan.
Magsisilbi rin itong gabay ng mga tour guide, guro, mag-aaral, heritage advocates at mga bisita upang higit na makilala at mahalin ang pamana ng ating siyudad.