Inflation sa Pilipinas, sumipa
Photo Courtesy: Puerto Princesa City Public Market
Ni Ferds Cuario
Lalong bumigat ang presyo ng mga pangkalahatang bilihin nang sumipa sa 7.2 porsyento ang implasyon o pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo nitong Setyembre 2026.
Tumaas nang mahigit 1.1 porsyento mula sa 6.1 percent noong Agosto, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa press release na ibinahagi ni Evelyn D. Valdez, Acting Area Director ng BSP Palawan, pangunahing nagtulak sa pagtaas ng inflation ang mas mahal na pagkain at enerhiya.
Sa unang siyam na buwan ng taong 2026, umabot sa 5.4 percent ang average inflation, mas mataas sa target ng gobyerno na 3 percent.
Hindi lamang pangunahing inflation ang tumaas. Umakyat din sa 4.7% ang core inflation noong Setyembre mula sa 4.1% noong Agosto. Hindi kabilang dito ang pabagu-bagong presyo ng pagkain at enerhiya.
Mas mabigat naman ang epekto sa mga pamilyang kabilang sa Bottom 30 percent Income Households o mga sambahayang may pinakamababang income. Mula sa 8.2% noong Agosto, sumipa sa 9.0% ang kanilang inflation noong Setyembre.
Ayon sa BSP, tumaas ang presyo ng bigas dahil sa kakulangan ng lokal na suplay at mas mahal na transportasyon. Nagmahal din ang isda at gulay dahil sa masamang lagay ng panahon na nakaapekto sa suplay, habang ang mga pangamba kaugnay ng swine flu ay nakaapekto sa presyo ng karne.
Nadagdagan din ang gastos ng mga mamamayan dahil sa pagtaas ng upa sa bahay at presyo ng lokal na petrolyo.
Bagaman pasok sa forecast ng BSP ang 7.2% inflation noong Setyembre, nananatiling hamon ang patuloy na pagmahal ng mga pangunahing bilihin.
Patuloy namang binabantayan ng BSP ang posibleng epekto ng mga kaganapan sa Middle East at mga aberya sa panahon sa presyo ng mga bilihin at paglago ng ekonomiya.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa Department of Economic Research ng BSP sa bspmail@bsp.gov.ph o bisitahin ang www.bsp.gov.ph.