Nababahala para sa Palawan
Ni Ferds Cuario
Ikinababahala ng ilang grupo sa Palawan ang posibleng epekto sa karagatan at yamang-dagat ng pagpapalawak ng oil at gas exploration sa lalawigan, kabilang ang pagtatayo ng mga pasilidad, pipeline, at mga rutang pandagat.
Ayon kay Atty. Avril De Torres, Senior Strategist ng Center for Energy, Ecology and Development (CEED), may 14 na petroleum service contract sa Palawan. Inilahad niya ito sa Defend Palawan Forum na ginanap sa Palawan State University (PSU).
Ibig sabihin nito, bukod sa Malampaya, mayroon pang 13 gas exploration contracts ang aprubado na anumang oras ay maaaring magsagawa ng mga seismic survey at paghuhukay sa ilalim ng karagatang sakop ng Palawan para sa gas exploration.
Nagbabala ang CEED na maaaring magdulot ng polusyon, pagkasira ng yamang-dagat, at pagtaas ng greenhouse gas emissions ang mga proyektong may kaugnayan sa oil at gas exploration.
Binigyang-diin din ang panganib ng oil spill sa mga komunidad na umaasa sa pangingisda at turismo bilang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan.
Ginawang halimbawa ang oil spill mula sa MT Princess Empress sa Oriental Mindoro noong 2023, kung saan ipinakita ng insidente ang mga hamong kinakaharap sa pagtugon sa malawakang polusyon sa dagat at sa epekto nito sa kapaligiran at kabuhayan ng mga mamamayan.
Nananawagan din ang Defend Palawan Coalition, isang malayang samahan ng iba’t ibang grupo sa Palawan, kasama ang Save Palawan Movement, sa national government na pansamantalang ihinto ang paggawad ng mga bagong petroleum service contract at ang pagpapaunlad ng mga bagong proyekto sa oil at gas sa lalawigan.
Iminungkahi ng koalisyon na isagawa muna ang isang malaya, malinaw, at nakabatay sa siyensiyang pagsusuri sa mga umiiral na kontrata at planong imprastraktura bago ituloy ang mga naturang proyekto.