Mga motorsiklo, tambak na
Photo Courtesy: ACTF
Ni Rodolfo Idusora
Parang motorshop ang atake!
Tambak pa rin ang mga nakumpiskang motorsiklo sa impounding area ng Puerto Princesa City Anti-Crime Task Force sa Barangay San Pedro dahil sa dami ng mga nahuhuling lumalabag sa batas-trapiko.
Halos wala nang natitirang espasyo sa naturang lugar dahil sa patuloy na pagdami ng mga motorsiklong ipinapasok sa impounding area.
Ayon kay ACTF Director Richard Ligad, patunay lamang ang dami ng mga nakumpiskang motorsiklo na marami pa ring motorista ang hindi sumusunod sa umiiral na mga batas at regulasyon.
Muling pinaalalahanan ni Ligad ang mga motorista na tiyaking kumpleto at maayos ang kanilang mga dokumento bago bumiyahe upang makaiwas sa pagkakahuli, abala at karagdagang bayarin.
Sa isang Facebook post ng ACTF, tila may mensahe rin ang ahensya para sa ilang motorista na sa kabila ng patung-patong na paglabag ay tila hindi pa rin natitinag at patuloy pang nagpapakita ng kayabangan.
Anila, may mga motorsiklong halos limang buwan nang nananatili sa impounding area dahil sa dami ng kailangang ayusin na paglabag bago makuha ng kanilang mga may-ari.
Muling iginiit ng ACTF na hindi sapat ang pagiging kumpiyansa sa pagmamaneho kung hindi naman sumusunod sa batas.
Babala ng ahensya: mas mabuting kumpletuhin ang mga kinakailangang dokumento at sumunod sa batas-trapiko kaysa mauwi sa pagkakakumpiska ng motorsiklo, mahabang paghihintay at dagdag na gastos.