Suspek sa pamamaril sa Bataraza, tinutugis
Ni Samuel Macmac
Kasalukuyang tinutugis ng mga tauhan ng Palawan Provincial Police Office (PalPPO) ang dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek sa pamamaril sa biktimang 39-anyos na lalaki sa Bataraza.
Sa isang mangrove area sa Brgy. Tarusan naganap ang insidente ng pamamaril bandang alas-8:00 ng gabi nitong Nobyembre 7, kung saan nilapitan ng mga suspek ang biktima na si alyas “James” habang nasa naturang lugar.
Isa sa mga suspek, na kinilala sa alyas “Tony”, na residente rin ng nabanggit na barangay, ang umano’y bumunot ng baril at nagpaputok ng ilang beses kasama ang hindi pa nakikialang kasamahan.
Sa magkabilang binti ni “James” tumama ang bala. Agad tumakas ang mga suspek at kasalukuyang pinaghahanap pa ng mga awtoridad. Matapos ang insidente, agad sumaklolo ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Bataraza upang isugod sa ng biktima sa pagamutan, kung saan nagpapagaling siya ngayon at sumasailalim sa kaukulang medikal na tulong.
Patuloy naman gumugulong ang masusing imbestigasyon ng Bataraza Municipal Police Station (MPS) upang matukoy ang buong pangyayari at ang motibo sa likod ng pamamaril. Agad din ikinasa ang backtracking at manhunt operation upang mabilis na madakip ang mga suspek.